IMG_3746

Cheaper Medicines Bill: Isang Hakbang Tungo sa Makatarungang Presyo ng Gamot

IMG_3746Isang hapon matapos ang pamimigay ng mga lobbying paraphernalia sa loob ng Kongreso, lumapit sa akin ang isa sa mga lola na kasapi ng aming multi-sectoral network.

“Sana ipasa na nila ngayon ang bill natin, makunsensya naman sila.”

Natigilan ako at nag-isip kung paano ko sasagutin ang kanyang komento. Nagkasya na lamang ako sa pagsasabing, “Sana nga po‚ Nay.“

Ika-5 na ito ng Hunyo, isang araw bago tuluyang magtapos ang ika-13 na Kongreso. Tulad ng ibang mga panukalang batas na nalimot at naiwang nakabinbin sa mababang kapulungan, ang House Bill No. 6035 o mas nakilala bilang Cheaper Medicines Bill, ay mistulang mababaon din kasama nang kasaysayan ng ika-13 Kongreso.

At hindi nga ako nag-kamali. Isang buwan at mahigit matapos ang hindi pag pasa ng Cheaper Medicines Bill, mainit pa rin ang talakayan kung bakit nga ba ang isang panukalang batas, na bukod sa benepisyong pampubliko ay Certified Urgent din ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay hindi nakapasa sa mababang kapulungan.

Kalagayan ng Gamot sa Pilipinas

Ayon sa World Health Organization (WHO) Health Development Report ng 2000, ang Pilipinas sa kasalukuyan ay pang-126 sa 191 na bansa sa antas ng kalusugan. 40% ng mga Pilipino ay hindi nakaka-konsulta sa mga duktor tuwing sila ay nagkaka-sakit.

Sa buong Asya, pangalawa ang Pilipinas sa kataasan ng presyo ng gamot. Ayon sa WHO – The World Drug Situation, wala sa 30% ng ating mamamayan ang may regular na kakayahan na makabili at makakuha ng kinakailang gamot. Dahil dito, napipilitan ang karamihan ng mga Pilipino na mag-under medicate ng kanilang mga gamot o mag over-medicate naman sa mga mumurahing alternatibo upang matugunan kanilang mga karamdaman.

Isa sa mga pangunahing dahilan sa hindi-makatarungang presyo ng gamot ay ang kontrol ng mga Multinational Pharmaceutical Companies sa ating industriya. Ang kabuuang merkado ng gamot sa Pilipinas ay kumikita ng halos 94.8 bilyong piso sa bawat taon. 81.2% dito ay mula sa bentahan ng mga drugstores.

Ang industriya ng parmasyotika sa Pilipinas ay dominado ng iilan. Sa paggawa pa lamang ng gamot, halos 80% ng toll manufacturing sa mga kompanyang parmasyotika ay ginagawa ng Interphil Laboratories. Ang wholesale distribution naman, halos 80% ay hawak ng Metro Drug/Zuellig Pharma, itinuturing na sister company ng Interphil Laboratories. Sa pag-bebenta ng gamot na tingi o retail, mahigit sa 60% ay mula sa Mercury Drug na may mahigit sa 600 outlets sa buong bansa.

Upang mapanatili ng mga malalaking kumpanya ng parmasyotika ang kanilang kontrol sa merkado, naging gawain na ang pang-aabuso sa sistema ng patent sa bansa. Sa ilalim ng World Trade Organization – Trade Related Aspects on Intellectual Property Rights (WTO-TRIPS), ang patent ng isang produkto ay may karampatang proteksyon na tumatagal ng 20 taon o higit pa. Dahil wala pa sa merkado ang generic na gamot nito, kontrolado ng iisang kumpanya lamang ang nasabing merkado sa loob ng 20 taon. Sa pagtagal ng proteskyon sa patent, tumatagal din ang monopolyo ng mga Multinational Drug Corporations sa industriya. Kasabay ng pagtagal ng kanilang monopolyo ay ang paglaki ng kanilang taunang kita.

Sa pagtatapos ng patent ng isang gamot, nag–hahain muli ng panibagong aplikasyon ang mga kumpanyang ito upang mapahaba ang proteksyon sa kanilang produkto. Kalimitan ay nagdadagdag lamang ng ilang mga sangkap at substances ang mga ito upang masabi na ang kanilang gamot ay bagong imbensyon at mayroong bagong lunas. Madalas, sila ay nagagawaran ng panibagong proteksyon sa kanilang patent. Kilala ang ganito pang-aabuso bilang “Evergreening”.

Bukod sa pang-aabuso sa patent system, isa rin sa pamamaraan ng pagpapanatili ng kontrol sa merkado ay ang panggigipit sa mga maliit na lokal ng kumpanya ng gamot na nagnanais gumawa at mag-benta ng murang generic na gamot.

Sa pamamagitan ng pag-hahabla sa korte, pananakot tulad ng pagpapadala ng mga sulat kalakip ang kanilang mga babala at iba pang mga paraan, kalimita’y hindi na nakaka-sabay sa kumpetisyon ang mga maliliit na kumpanya ng generic na gamot. Kaya’t maaring pataasin ng mga malalaking kompanyang parmasyotika ang presyo ng gamot sa Pilipinas.

Ang House Bill 6035 at ang Intellectual Property Code

Ang House Bill No. 6035 ay isang panukalang batas na naglalayong amyendahan ang Intellectual Property Code (IPC) ng Pilipinas upang maging mas sensitibo sa pangangailangang pangkalusugan ng mga Pilipino.

Kabilang sa mga nais amyendahan sa IPC ay ang Sec. 22, na nagsasaad ng mga produkto at substances na hindi saklaw ng patent, Sec. 72 na nagbibigay ng limitasyon ng mga karapatan sa patent, Sec.74 na nagtatakda ng karapatan ng isang bansa sa paggamit ng patented na produkto at Sec. 147 na nabibigay proteskyon sa trademark ng isang patented na produkto.

Nakasaad sa Sec. 3 ng Cheaper Medicines Bill ang Non-Patentable Inventions, Parallel Importation, Early Working Provisions at ang Government Use.

Ang layunin ng probisyon ng Non-patentable inventions ay upang maiwasan ang Evergreening. Hindi ituturing na patentable ang isang bagong natuklasan na substansya o gamit ng isang patented na produkto maliban na lamang kung ito ay matutuklasan na may bagong lunas o therapeutic value o di kaya’y mapapatunayang isang bagong imbensyon. Ito ay upang maiwasan ang pagpapahaba ng proteksyon ng patent ng isang gamot.

Sa Parallel Importation naman, ang isang kumpanya ay pinapayagan mag-angkat ng isang produktong may patent sa kanyang bansa kahit walang pahintulot ng patent holder nito. Makakatulong ang probisyong ito sa pag-papababa ng presyo ng gamot lalo na kung ang nag-aangkat na bansa ay may pangngailangang magbenta ng mas abot-kayang gamot sa bansa nito. Ang gamot na binili ng nasabing kumpanya sa mas mababang halaga ay maaring ma-import sa kanyang bansa upang maipagbili sa merkado sa mas mababang presyo.

Ang Early Working Provision, na kilala rin bilang Bolar Provision, ay magbibigay ng karapatan sa mga kumpanya ng generics upang maghain ng aplikasyon para sa paggawa at pagbenta sa isang patented na gamot bago pa matapos ang patent protection nito. Sa Pilipinas, ang proseso ng aplikasyon upang gumawa at mag-benta ng generic na gamot ay tumatagal ng 18 hanggang 60 buwan na mas makakapagpahaba ng kontrol ng mga malalaking kumpanya ng gamot. Sa Early Working Provision, maaring maipag-bibili agad ang generic na beryson ng isang gamot matapos ang proteksyon nito sa patent.

Sa probisyong Government Use, pinapalakas ang karapatan ng pamahalaan na gumawa at mag-benta ng mga patented na gamot kahit walang pahintulot ng may-ari nito. Maari din itong magbigay ng mga lisensya sa ibang mga kumpanya upang makagawa at makapg-benta ng mga generic na gamot sa mga sitwasyon tulad ng epidemya at iba pang maaring ituring na national emergencies.

Bukod sa mga probisyong mag-aamyenda ng Intellectual Property Code, may mga ilang naidagdag sa orihinal na HB 6035. Ang pagtatayo ng Drug Price Regulatory Board, Oversight Committee at ang Non-Discriminatory Clause ay mga probisyong isinama sa HB 6035 nuong ang nasabing panukala ay dumaan sa Period of Ammendments.

Ngunit ang ilan sa mga naidagdag na probisyong tulad ng pagtatayo ng Drug Price Regulatory Board bilang isang mekanismo ng pagpapababa ng presyo ng gamot ay naglunsad ng iba’t ibang komento. Pangunahing argumento dito ay ang kawalan ng transparency ng mga malalaking kumpanya ng gamot sa kanilang mga gastos sa paggawa at pag-bebenta ng gamot. Maraming mga katanungan hinggil sa kanilang pagiging tapat sa mga isinasaad na halaga at gastos ng kanilang operasyon. Hangga’t hindi transparent ang mga kumpanyang ito sa kanilang gastos, hindi epektibong maitatakda ng Drug Price Regulatory Board ang regulasyon sa presyo ng mga gamot.

Ang pagpasa ng panukalang batas na ito ay maglulunsad ng masiglang kumpetisyon sa pambansang industriya ng gamot, mabibigyan ng pagkakataon ang mga lokal na kumpanya ng generic na gamot na makasabay sa kumpetisyon ng mga malalaking korporasyon ng parmasyotika. Ang pag-aamyenda sa Patent Laws ng isang bansa ay isa sa mga tinuturing na epektibong mekanismo upang mapababa ang presyo ng gamot.

Deliberasyon sa Mababang Kapulungan

Ang pagpasa ng isang panukalang batas na nagnanais maging makatarungan ang presyo ng gamot ay isang masalimuot na pakikibaka.Iba’t Ibang uri ng pamumulitika at panggigipit ang inabot ng Cheaper Medicines Bill hanggang sa tuluyang hindi ito maipasa.

Isa sa mga pangunahing naging sanhi ng hindi pag-usad nito ay ang kawalan ng Quorum sa kongreso. Mistulang hindi naging prioridad ng mga mambabatas ang pagdalo sa mga sesyon kaya’t ang mga mahahalagang panukalang batas ay hindi napagtutuunan ng nararapat na pansin.

Sinamantala naman ito ng mga Multinational Drug Corporations na tutol sa pagpasa ng Cheaper Medicines Bill. Dahil sa inabot na ang panukala ng ilang buwan bago magsara ang ika-13 Kongreso, ang kailangan na lamang gawin ng mga kumpanyang ito ay i-delay ang pagpasa ng bill hanggang sa tuluyang nang matapos ang deliberasyon. Kasama ang kanilang mga bayad na kongresista, inipit ang Cheaper Medicines Bill sa bawat sesyon nito, ang pag-question ng quorum ay ginamit ring paraan upang matapos ang deliberasyon ng nasabing panukala.

Napatunayan ang ganitong sabwatan at pagdikta ng mga Multinational Drug Corporations nang pinalabas ang mga kinatawan ng Pfizer, GlaxoSmithKline at ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) sa loob ng session hall ng Kongreso dahil sa pag-aabot ng isang sulat kay Rep. Teddy Boy Locsin na nagsasad ng mensaheng, “We desperately need someone to question the quorum now. Can you do it? Please Call Leo Wassmer (Chief Executive Officer ng PHAP) at this number ________”. Ang unethical lobbying na ito ay naganap sa huling araw ng Special Session ng Kongreso nuong buwan ng Pebrero. Inabot ng iba’t ibang uri ng pambabatikos mula sa mga kongresista at iba’t ibang health rights advoactes ang insidenteng ito.

Kung susuriin, ang kawalan ng political will ng Kongreso at ng Malacañang ang kumitil sa Cheaper Medicines Bill. Bagama’t ito ay Certified Urgent Bill ng Pangulong Arroyo, nauna pang naipasa ng mga kongresista ang Human Security Act (Anti-Terror Bill) at ang PAGCOR Franchise Extension Bill, mga batas na may pulitikal at personal na ganansya ang mga kongresista. Nagpapatunay lamang na ang kalusugan ng mga Pilipino ay hindi prioridad ng pamahalaan.

Ilang araw mula ng magtapos ang ika-13 Kongreso, sinubukan ng ilang mga kongresista at senador na magtawag ng isang special session upang maipasa ang lahat ng mga mahahalagang panukalang batas na naiwan sa kongreso subalit hindi ito pinakinggan ng administrasyong Arroyo. Ayon sa mga pahayagan, binanggit ng political adviser na si Gabriel Claudio na kailangang masigurado muna ng mababang kapulungan ang quorum bago gumawa ng karampatang aksyon ang Malacañang.

Binaling naman ng mababang kapulungan ang hindi pagpasa ng bill kay Senator Mar Roxas, ang pangunahing may-akda ng Senate Version ng HB No. 6035. Inakusahan nila Rep. Ferjernel Biron at Rep. Janette Garin si Sen. Roxas nang hindi pagtanggap sa bersyon ng kamara dahil sa probisyon na Price Regulation. Giit pa nila, hindi makakapag-pababa ng presyo ng gamot ang bersyon ni Sen. Roxas. Nagbigay din ng pasaring na mayroong isang bilyong piso na lobby money na inilabas ang mga Multinational Drug Corporations upang hindi maipasa ang bill. Pinabulaanan ni Sen. Roxas ang ganitong mga alegasyon, aniya gumagawa na lamang ng dahilan ang mga kongresistang ito upang hindi masisi sa hindi pagpasa ng HB No. 6035.

Ang Senate Bill No. 2263, ang bersyon ng Cheaper Medicines Bill sa Senado, ay naipasa sa Third Reading nuong nakaraang Enero taong kasalukuyan samantalang ang House Bill No. 6035 ay naiwang nakabinbin sa Second Reading.

Cheaper Medicines matapos ang ika-13 Kongreso

Matapos ang mainit na bangayan, pamumulitika at publicity na nakamit ng Cheaper Medicines Bill, muling nadinig ang iba’t ibang pangako ng mga pulitiko.

Maging si Pangulong Arroyo ay hindi nagpahuli. Sa kanyang nakalipas na State of the Nation Address, umapila ito sa kongreso at maging sa publiko na tulungan sina Senador Mar Roxas, Rep. Ferjernel Biron at Rep. Teddy Boy Locsin upang mabigyan ng abot-kayang alternatibo na gamot ang mga mamamayan. Ito ay sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Cheaper Medicines Bill na, aniya, halos naipasa nuong Hunyo.

Ilang araw din simula ng magbukas ang ika-14 na Kongreso, mayroong nang walong panukalang batas na nagnanais mapababa ang presyo ng gamot, Nagkahain na ang mga ito sa mababang kapulungan. Nagkaroon na ng iba’t ibang anyo at iba’t ibang pangalan ang nuo’y House Bill No. 6035 – ang panukalang batas na mag aamyenda sa Intellectual Property Code ng Pilipinas.

Sa pagbubukas ng panibagong kongreso, sumagi sa aking isip ang naisagot ko sa aming nakatatandang kasapi, isang araw bago tuluyang matapos ang ika-14 na kongreso. Marami akong iniisip na dapat naisagot sa kanya. Gusto kong ipaliwanag ang matinding pulitika na pumatay sa isang napakagandang panukala. Gusto kong ipaliwanag ang garapalang korupsyon na namamayani sa hanay ng mga naihalal na kongresista. Gusto kong sabihin na walang maasahan ang mga Pilipino hanggat nanatiling ganid sa salapi ang mga pinagkatiwalaang kinatawan sa kongreso.

Nagkasya na lamang ako sa pagsasabing, “Sana nga po‚ Nay”

Dahil sa kabila ng matinding dismaya, nangibabaw pa rin ang pagnanasang makita ang araw na wala nang Pilipinong mamamatay dahil sa kawalan ng kakayahang makabili ng gamot.