Kalusugan, Karapatan, Hindi Negosyo.

Pahayag ng Medical Action Group (MAG)

Sa Ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Hulyo 2025

Sa mahigit na tatlong taon ng administrasyong Marcos, lalong lumala ang krisis sa sistemang pangkalusugan. Patunay ito na hindi kailanman naging prayoridad ng pamahalaan ang karapatan ng mamamayan sa kalusugan.

Ngayong 2025, ganap na tinanggalan ng pondo ang PhilHealth. Ang mas masahol pa, mahigit na ₱60 bilyong pondo nito ang inilipat sa Department of Finance para pondohan ang ibang proyekto, isang tahasang pag-abandona sa mandato ng Universal Health Care Law.

Sa halip na ayusin ang bulok na sistema, itinutulak ang Medical Assistance Program na isang programang ayuda para sa mahihirap pero sa aktwal, ginagamit sa patronage politics, hindi bilang sistematikong karapatan. Kasabay nito, isinusulong ang pag-amyenda sa UHC Law na maalis sa pananagutan ng pamahalaan sa serbisyong pangkalusugan.

Pasan ng mga health workers ang bigat ng krisis, dahil sa mababang pasahod, walang benepisyo, kontraktwal ang trabaho, at delikado ang kalagayan sa mga ospital. Hindi nakapagtataka kung bakit patuloy ang pag-alis nila ng bansa.

Sa lokal na antas, hindi rin isinasaalang-alang kalusugan sa Mandanas ruling. Sa halip na gamitin ang kanilang pondo para palakasin ang lokal na serbisyong pangkalusugan, inuuna ang mga proyektong pampapogi. Samantalang, kulang kulang pa rin ang mga health centers, walang sapat na gamot, at kapos sa health workers.

Ang ating Panawagan:

Ibalik ang pondo sa PhilHealth. Itigil ang paglilihis ng pondo sa ibang proyekto.

Panagutin ang mga opisyal na responsable sa kapabayaan at korapsyon sa sektor ng kalusugan.

Itaas ang sahod, wakasan ang kontraktwalisasyon, at igalang ang karapatan ng mga health workers.

Gamitin ang Mandanas funds para sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan, hindi sa proyektong imprastrukturang walang direktang benepisyo sa mamamayan.

Tugunan ang lahat ng salik ng kalusugan, sapat na pagkain, maayos na tirahan, disenteng trabaho, edukasyon, at malinis na kapaligiran, bilang bahagi ng kabuuang karapatan sa kalusugan.

Sapat na ang tatlong taon ng kapabayaan.

Hindi limos ang kalusugan. Hindi ito negosyo. Ito ay karapatan.

Panahon na para ang mamamayan ang maningil.